nay

Nay, naalala mo pa ba?

Kung paano tayo nag lalaro sa ilalim ng kumot

Habang nag kikilitian noong ako ay bata pa?

 

Noong ang mga pangarap ko pa lang,

Ay ang makita ka sa pag gising sa umaga.

 

Mayakap sa pag dating ng gabi,

O di kaya naman ay ang sumiksik sa iyong kili-kili

Para makatulog sa tanghali.

 

Naalala mo ba yung mga kwento mo,

Na paulit-ulit kong pinapakwento?

Yung miryenda na walang sablay mong hinahanda

Pag dating ng alas kwatro.

 

Naalala mo ba nay?

 

Kasi ako ngayon ko lang ulit sila naalala.

Ngayon na naisip kong nagmadali pala ako na tumadanda,

Na nag madali pala ako sa buhay na dapat hinay-hinay lang

 

Kaya patawad nay.

Kung dahan-dahang nabwasan yung kwento ko sayo,

Sa tuwing tinatanong mo kung anong nangyari sa maghapon ko.

 

Kung kahit kailan hindi man lang kita natanong,

Kung anong nangyari buong linggo mo

Sa tuwing uuwi akon mula sa isang linggong pagtatrabaho.

Kung akala ko namimiss mo lang ako tuwing akinse o katapusan.

 

Nay nagkamali ako.

Kasi araw araw pala.

Pero sa ibang paraan na hindi ginagamitan ng salitang “anak miss kita”

 

Kasi itinatago mo sila sa mga pag-aalala na,

“anak wag kang masyado mag papagabi”

“anong gusto mong ulam pag uwi mo, ipagluluto kita”

“umuwi ka naman kahit isang beses lang sa isang buwan kasi hinahanap ka na ng mga kapatid mo”

 

Pero nay alam mo

Kung tatanungin ako ng Diyos kung anong pinaka gusto kong araw sa buhay ko,

Sasabihin ko sa kanya na,

Gusto ko yung pinaka unang alaala na meron ako.

Na unang beses ko palang nakikita yung lahat pero parang alam ko na agad,

Na kung nasaan man ako eto yung tahanan ko.

 

Naglakad ako palabas noon ng kwarto

Basa ang likod mula sa pawis ng pag tulog

Lumabas sa bahay at nakita kita na naglalaba

 

Tumigil ka sandali at ngumiti,

Tumayo lumapit saakin,

Kinarga at sinabing

“anak gising ka na pala”

 

At kahit parang unang beses palang kitang nakita,

Niyakap kita at muling pinikit ang aking mga mata.