bakit kailangan nating magkakilala?

Bakit kailangan nating mag kakilala

Sa panahong hindi pa dapat tayo makakilala ng iba,

Kasi kinikilala pa natin yung nawawala nating sarili?

At sabihin man nila na “hindi naman nawawala ang saril”

E minsan parang may kulang

At wala kang ibang makitang solusyon

Kundi ang lumabas at hanapin to

 

Minsan may kasamang iba

Pero madalas mas okay pa na mag isa

Kasi mas nakakapag isip tayo

Mas nararamdaman natin yung katahimikan,

Yung pag iisa na minsan nating kinatakutan

Pero sa mga  panahong ganito,

Okay lang kasi minsan

Masayang mag isa lalo na kung

Nasasaktan ka lang pag may kasama kang iba

 

Na totoo pala yung kanta ni Yeng na may linyang

“Ayoko na munang makasama ka”

Yung satin nga lang e

Ayoko na munang may kasamang iba

“Na ako nalang muna”

Para makabawi man lang sa lahat ng nawala

Na dala ng pagkawala ng nakaraang sinta

 

Diba ang sarap naman talaga mag isa

Hindi naman mawawala o mauubos ang

Isda sa karagatan kagaya ng sabi nila

Kaya bakit tayo mag mamadali diba?

Pero parang may kakaiba e

Hindi ko naman to gusto

At alam kong hindi mo rin to gusto

Kasi sa tuwing bumabanat ako

Ang sinasabi mo lagi sa akin “wag ako”

 

Umaamin ako na minsan nang bobola lang ako

Pero bakit sa tuwing kinikilig ka sa pambobolang yon

Parang mas kinikilig ako

Na parang totoong totoo

Na parang ako pa ata yung binobola mo

Sa tawa mo

Sa mahahabang kwento mo

Sa paghahanap mo saakin pag wala ako

 

Alam ko na sa tingin mo nagpapatawa lang ulit ako

Pero yung pakiramdam na

Yung parang minsang tayo

Kaso walang tayo

Kasi bawal

Kasi wag muna ngayon

Kasi nga diba dapat,

“Dapat di kita nakilala ngayon”

O di mo ko nakilala ngayon

Kasi nasisira yung plano e

Yung plano na

Wala muna sanang magulo

Kasi magulong magulo na yung mundo

Tapos mas mang gugulo pa yung salitang “tayo”

 

Kaya sige magtaguan na lang muna tayo ng nararamdaman

O ako nalang muna yung magtatago

Tutal parang seryoso ka naman talaga sa sinabi mo na

Wag ikaw

Kaya mag aantay nalang ako

Tutal alam ko naman talaga sa sarili ko na mag aantay ako

Hanggang sa sabihin mong

 

“Ako naman”

Eto na ko buong buo

Kumpleto

Handa na ulit mag mahal

At handa na ulit magpawasak basta handa ka na rin ayusin ako

Kung sakali man na hilingin ko sayo

 

At wala man kasiguraduhan na ako yung hinahanap mo

Susugal pa rin ako

At itataya ko ang lahat lahat kasi,

Kasi ikaw yung sugal kung saan handang handa akong paulit ulit na matalo

 

Ikaw yung sugal

At ako,

Kahit isang beses lang sana manalo.

Advertisements

totoong gwapo

Wala naman talagang taong pangit
Nagkataon lang talaga na hindi uso sa planetang to
At sa oras na to ang mga mukha natin
O yung timbang ko na parang liliparin ng hangin
O yung sayo na kukulangin ang tatlong cup ng kanin sa tuwing tayo’y kakain
Yung tipong pag dumayo ka sa Mang Inasal
Nag mamadali sila sa pag sasaing
Dahil alam nila na may posibilidad na baka sila’y kulangin
 
Pero wala talagang taong pangit
Nagkataon lang ang lahat
Hindi tayo minalas pero sinuwerte lang talaga sila
Sila Brad Pitt, James Franco,
Sam Milby, Piola Pascual ay Piolo pala!
Si Coco Martin, Alden Richards
At ang alamat ng mga alamat
Si master Vic Sotto!
 
Pero isipin mo nalang
Buti nalang hindi tayo yung sinuwerte
Kasi hindi naman tayo maalam umarte
 
O diba may plano talaga ang Diyos para sa atin
Hindi nga lang yon ang maging masuwerte kagaya ng gusto natin
Dahil malamang tulog tayo sa pansitan nung nag papaulan siya ng kagwapuhan(kasuwertehan)
Kaya “mabuting puso” nalang ang ating inabutan
 
Pero okay lang yan
Maraming advantage ang ganitong itsura
Sa suntukan lamang na lamang na agad tayo
Kasi magulpi man hindi tayo yung mukhang natalo
 
Hindi tayo mapagkakamalang bakla kung masyado tayong maputi
Kasi pati yung mukha natin maskulado
 
Pag sinabihan tayong gwapo
Naniniwala agad tayo kasi minsan lang sa buhay natin ang masabihan nito
 
At ang pinaka matindi sa lahat
Tayo ang dahilan kung bakit may pogi sa mundo
 
Napakalaking responsibilidad kung tutuusin
Pero buti nalang naibigay sa atin
Dahil baka hindi nila kayanin
kasi ang alam lang naman nila
Eh manloko at magparamihan ng nadaling babae
 
Isang araw may nagsabi sa akin
Humanap ka ng pangit at ibigin mong tunay
Gusto ko sanang sabihin sa kanya na magkaiba kami ng depinisyon ng pangit
Kasi yung pangit na sinasabi niya
Eh yung nakikita lang ng mata
Samantalang parang mas pangit pa para sa akin yung mga taong kagaya niya
Na mapang husga
At walang naiambag sa mundo kundi ang sinasabi niyang kagwapuhan
Pero pinabayaan ko nalang
Mahirap kasing makipag talo sa taong sarado ang isipan
 
Buti nalang sa sinabi niya may natutunan ako
Meron pala talagang taong pangit
Pero hindi yon dapat base sa itsura o pananamit
Sa laki ng tiyan o sa mapapayat na bisig
Sa konti ng makakain na parang mumo nalang sa sahig
Kundi sa kung anong lumalabas sa kanyang bibig
At sa dumi ng kanyang pag-iisip
 
Kaya siguro meron ngang taong pangit
 
Pero hindi tayo yon
At lalong hindi ako yon
Dahil sabi nga ng nanay natin gwapo daw tayo
At hanggang sa naniniwala tayo don
Paulit ulit man nilang sabihing
“ang pangit pangit mo”
Wala pa ring makakatalo sa kagaya nating may mabubuting puso
Ang mga totoong gwapo na kakaunti nalang ang natitira sa mundo.

Senyales ng mga taong takot sa multo

Senyales ng mga taong takot sa multo

 

Pang una

Nag pagupit ka ng maikli pero pagkagupit na pagkagupit nung baklang parlorista

Parang gusto mong magwala

Dahil dalawang taon mong inalagaan at minahal mapupunta lang sa wala

At umamin ka na kaya mo to nagawa

Kasi gusto mo rin masabi sa sarili mo na

Kaya mo rin mag bago at mag simula

Kagaya ng kanyang ginawa

Yun nga lang ginawa niya to habang kayo pa

At Iniisip mo na kasabay ng pag haba nito

Ay dahan dahan ka rin makakalimot

Pero hindi

Dahil nakita mo pa rin siya

Sa bawat sulok ng kwarto kung saan dati kayong masaya

Naalala mo kung papaano niya hinahaplos ang yong mga buhok

Na tinatadtad mo ng pabango para sa tuwing mag kikita kayo ang masasabi niya lang

“mahal bakit ang bango mo?”

Sabay kalabit at deretso sa kwarto

 

Pangalawa

Ang  mga taong takot sa multo malakas kumain

Ice cream, pizza, spaghetti, carbonara,

Lasagna, salad na puro gulay hindi naman masarap

Tapos ipopost sa facebook

Hindi para masabing marami silang pera

Kundi para masabing mo na kahit papaano masaya ako

Kahit papaano may nag papasaya saaken

At buti pa tong pag kain hindi ako inaayawan

Kahit dalawa na yung baba ko

Kahit malaki na yung tiyan ko

Kahit limang patong na yung bilbil ko

Kahit sumabog na lahat ng butones ng pantalon ko

Siguro saka ko na ulit poproblemahin ang katawan ko

Pag may nag sabi na saakin ng “mahal kita kahit hindi ka pa mag diyeta”

Yun mag sasabi sayo ng mahal kita

Di dahil sa maganda ka

Di dahil sa masarap ka

Di dahil sa malaki yung boobs mo

At di dahil sa malaki yung pwet mo

Kung di dahil mahal ka niya

At mahal ka lang talaga niya

Na wala siyang gustong makuha kagaya ng kinuha nila

Na mas gusto pa nga niya ang magyakapan lang at mag kwentuhan sa gabi

Hanggang mag umaga para mas makilala ka niya

 

Pangatlo

Ang mga taong takot sa multo mahilig mag inom at mag yosi

At kung ano anong bisyo pa ang meron pag may party

Inom dito suka doon

Hit hit dito buga doon

Para kahit konti makalimot

Para kahit konti mabawasan yung kirot

Para pag gising sa umaga

Mapapamura ka sa sakit ng ulo at hindi sa sakit ng puso

pero pag dating ng hapon

at isinisigaw nanaman ng punyeta mong puso yung pangalan niya

Iinom ka nanaman

Inom na naman dito suka nanaman doon

Hithit nanaman dito buga nanaman doon

Sa pangako na mawawala siya

Na baka may makilala kang iba

Kaya inom pa

Ilang araw nalang

Inom pa

Hanggang sa maging ilang lingo nalang

Hanggang sa maging ilang buwan nalang

Hanggang sa maging isang taon na

Ilang taon pa ba?

Hanggang sa isang araw magising ka nalang sa ospital

Nagpapagaling mula sa sakit sa baga o ng atay

At huimihiling na sana magamot din nila ang sakit ng yong puso

Pero wala sa ospital yung gamot mo

Kapiling siya ng ibang tao

 

Pang apat

Ang taong takot sa multo maiinitin ang ulo

halimbawa

“Putaninga”

“Sinong nag saing hilaw?”

Kahit nag iisa ka lang naman sa bahay niyo

“Punyeta”

“Sinong kumain nung vanilla ice cream ko sa ref?”

Tapos naalala mo naiwan mo pala sa lababo

Pag tingin mo nilalangam na

Parang yung nangyari sa inyo

Iniwanan mo lang saglit

Pag balik mo pinapapak na ng iba

Anong magagawa mo matamis daw siya

At hindi na masarap ang ice cream kapag tumagal na

 

Pang lima

Ang mga taong takot sa multo takot din mag mahal

Di dahil sa natatakot silang masaktan dahil handang handa pa rin silang masaktan

Kundi dahil sa kadahilanan na

Baka bumalik yung multong kinatatakutan nila

At sabihing “iwanan mo na siya mahal na ulit kita”

Dahil alam mo na lahat ng meron ka ngayon iiwan mo makasama lang ulit

Yung taong nagpaikot ng mundo mo

 

Pang anim

Ang mga taong takot sa multo

Saulado ang linya ni popoy at basha sa one more chance

At sa dami nga ng beses na napanood mo to

Siguro dapat a million chance na ang title nito

At alam ko na alam mong palihim kang umaasa

Na kagaya sa pelikula may pangalawang pag kakataon ang pag mamahalan niyo

 

Pang pito

Ang mga taong takot sa multo

Ay mga taong minahal at nag mahal

 

Pang walo

Ang mga taong takot sa multo

Pinangakuan ng habang buhay

 

Pang siyam

Ang mga taong takot sa multo

Niloko

 

pang sampo

Ang mga taong takot sa multo

Tinarantado

Ginago

Putangina

Hindi sapat ang lahat ng mura sa mundo

Para malaman mo kung gaano ako nasaktan

At patuloy na nasasaktan

Dahil wala ka ng pakialam kung mamatay man ako

dahil may bago ng nag bibigay ng buhay sayo

 

Kaya hayaan mo nalang sabihin ko ang totoo

 

Patawad

Dahil naipangako ko noon na isusulat kita hanggang sa kaya ko pang sumulat

Na mamahalin kita kahit di na uso ang mag mahal ng nagiisa

At patuloy akong hihinga hanggang sa sabihin mong tama na

 

Ang mga taong takot sa multo

Sumusulat ng tula kagaya nito

 

Ang mga taong takot sa multo

Ay ako

 

Para sa aking mahal

Para sa una kong mahal, Segunda Katigbak
Naalala mo pa ba kung papaano ako
Nag nanakaw ng tingin sayo sinta?

Kung papaano ako parang pusang naiiihi
Na pabalik balik mula sala papunta sa kusina
Sa tuwing naiisip kita
Madalas pa nga akong pinagtatawanan ng mga kapatid ko noon
Pero wala akong pakialam dahil sa edad na disisyete
Sa tingin ko mahal na kita

Alam mo pilitin ko mang mas ibigin ka pa
Di ko rin nagawa pagkat ang puso moy hawak na ng iba

Mahal kong Orang
Marahil nasa iyo pa ang aking liham
Na mababasa sa pagkagat ng dilim
Gamit ang liwanag ng lampara
Maniwala ka sana
Na ang lahat ng letra at salita na nakasaad ay totoo
Na may puwang ka sa puso kong pinatigas ng pagkakalayo

O aking Leonor Rivera
Sa labing isang taon nating pagmamahalan
At pagpapalitan ng sumpaan na hinadlangan ng iyong butihing ina
Nais kong malaman mong walang isang gabi sa Europa ang lumipas
Na hindi ko ninais uwian ang lambot ng iyong mga labi
At kung papaano kita iginagapos sa yakap ng aking pagibig

Malungkot man na akoy iyong nakalimutan
Napiling sa iba ay sumama at lumisan
Gusto kong malaman mong wala akong pinagsisisihan
Sapagkat ang makilala ka o “Maria Clara” sa akin ay isang karangalan

Iniirog kong Consuelo Ortiga Y Reyes
Patawad kung napangunahan ako ng takot
Na muling umibig
Marahil hindi pa ako handang muling ialay
Ang aking pusong pagod na sa paulit ulit na latay
Ng lungkot at pighati ng posibilidad na pagkawalay

Patawad at salamat, sa pag hihintay hangang sa mag umaga
Noong unang beses tayong nagkasama
Hindi ko malilimot ang misteryo ng iyong pagkatao
At kung papaanong akoy muntik ng mahulog sa kadahilanang ito

O giliw ko, O Sei-San
Sa aking pag lisan sa bansang minahal at natutunan
Iuuwi ko ang isang bagay na di matutuklasan ng sino man
Ang magmahal ng totoo sa kabila ng magkaibang kinalakihan
At ang umuwi ng sa iyo ang “akoy” iiwanan

Aking sinta, Gertrude Beckett
Patawad mula sa mga sulat na hindi mo natangap
Sa mga pangakong hindi ko natupad
At sa pagibig na iyong inasahan na hindi ko na rin maiaalay

O aking Suzanne Jacoby
Ikaw ang bumuhay muli ng apoy sa dibdib kong nilamon
Ng kadiliman at sakit ng kahapon
Sa iyong yakap at halik
sa bawat tagong lugar na ating tinangkilik
mahal ko akoy iyong ibinalik
muli sa mundo kung saan ang unang titik
sa baybayin ay ang salitang pag ibig

Minamahal kong Nellie Boustead
Isa ka sa patunay kung gaano ko kayang ibuwis ang aking buhay
At kung papaano na sa larangan ng pagibig ay walang magkaibigan
Magkadugo man o mag kababayan

Aking pinakamamahal, Josephine Bracken
Saksi ang diyos sa kung papaano tayo ay naging isa
Hindi man hinayaan ng simbahan
Na tayo ay mag sumpaan
Nais kong malaman mong ikaw ang aking
Pinakamamahal, aking asawa
Masakit man na tayoy maagang naiwan ng ating
Munting Francisco
Alam ng buong mundo kung papaanong akoy nag luksa
Mula sa librong inialay ko sa iyo
Ikaw ang pinakamamahal ko at iuukit kita sa aking puso
Ang iyong ganda sa umaga at gabi ay aking ipipinta
At paulit ulit na ipipinta dahil kulang ang lahat ng kulay sa mundo
Para umabot man lang sa halina ng pagmamahal mo

O aking Pilipinas tadhana ang nagdala sa akin sa iyo
Sa pag ikot sa mundo nais kong malaman mo
Na wala akong ibang lupang hahalikan kung hindi ang sa iyo
Alam kong hindi sapat, ilang libong libro man ang aking isulat
Para magising ang mga anak mo at maibigay ang kalayaan mo
Kayat hayaan mong ibigay ko sa iyo ang pinakahuling bagay na maibibgay ko

Ikaw ang una at huli
Ang unang nakakita ng pag patak ng aking mga luha
At ang huling makakakita sa pinaka huling patak ng dugo ko sa lupa

Mahal na mahal kita
At wala na akong mamahalin pang iba
Adios, patria adorada

image

para sayo

Para sayo
Para sa higit sa dalawang taong binigay mo
Para sa unang matamis na halik at mainit na yakap
Para sa mainit na kapeng tinimpla mo
Noong unang beses tayong gumising sa umaga
Para sa malalagkit na titig
At mabilis na tibok ng puso
Para sa unang tikim
Na nauwi sa paulit ulit na libog
 
Para sayo
Para sa sakit na binigay mo
para sa mga tulang sinulat ko
na di mo mababasa dahil
nag simula lang akong sumulat
noong wala na kong makausap
tungkol sa mga gusto ko sanang sabihin sayo
 
para sayo
para sa matatamis na ngiti mo
na datiy saakin
pero sa iba mo na ibinibigay ngayon
para sa bawat taong natawag ko ng pangalan mo
para sa bawat alaalang iniwan mo sa balat ko
para sa bawat bagay at lugar at kanta
na pinatay mo
 
para sayo
ang bawat alak na ininom at isinuka ko
para sayo
ang bawat yosi na hinithit at tinapon ko
para sayo
ang lahat mula sa puntong iniwan mo ko
hanggang ngayon
isang taon
tatlong buwan
dalawang lingo
limang oras
tatlumpung minuto
at tumatakbong Segundo
hanggang sa matapos ang tulang ito
para sayo
 
hindi na ako galit
kaya kung makikita man kita sa kanto
kasama yung bagong mong nobyo
di ko na susuntukin pareho yung muka niyo
at kung mag kakapera man ako
di na ko bibili ng dinamita para bombahin yung bahay niyo
ititigil ko na rin
ang pag sira sa sarili ko
sa pag asang maawa ka saakin
at babalikan mo ako
di ko na gustong bumalik ka
at di ko na gustong balikan mo pa ako
ang gusto ko na lang ngayon
ay lumigaya
dahil sapat na
sapat na
na nakilala kita
na naranasan ko ang mga bagay
na di ko mararanasan kung wala ka
kagaya ng mainit na pasko
ang magising sa mensahe mo na tinulugan mo nanaman ako
o nag inom ka nanaman
yung pag aalala mo na di mapapantayan
ang mali ko lang inakala ko
na mag tatagal ito ng pang habang buhay
 
pero salamat
dahil sa pag kawasak ko
mabubuo pala yung bagong ako
 
at siguro nga di na ko makakahanap ng katulad mo
dahil wala namang taong magkatulad
pero makakahanap pa ulit ako
at siguradong mas mamahalin ko siya
ng higit pa sa pag mamahal ko sayo
 
tinatapos ko na ang parte mo sa buhay ko
na hindi na para sayo ang mga kasunod na salita
sa pangalawang parte ng tulang ito
 
para sa taong mamahalin ko
ngayon palang nag iipon na ko
para sa mga bagay na gusto mong kainin
para sa mga bagay na gusto mong bilhin
para sa mga cine na gusto mong panoodin
 
ngayon palang
iniisip ko kung papaano kita mapapasaya sa araw araw
ngayon palang
iniisip ko kung gaano ako magiging kasaya sa araw araw
ngayon palang
iniisip ko na kung papaano ko masasabi sayo
ang salitang mahal kita
ngayon palang iniisip ko na kung
saang simbahan mo gustong magpakasal
ngayon palang iniisp ko na
kung saang bahay mo gustong
manirahan
ngayon pa lang iniisip ko na
kung ilang ang anak na gusto mo
ngayon palang iniisip ko na
ang maraming bukas
masaya man o mahirap
dahil handang handa akong harapin sila
basta kasama kita
ngayon palang iniisip ko na kung papaano tayo tatanda
 
iintayin kita
pero sana
sana
dumating ka na

malamig ka pa

malamig ka pa sa pasko
malamig ka pa sa kape na naiwanan ng isang oras sa Baguio
malamig ka pa sa dulo ng ilong ng aso
malamig ka pa sa puwit ng baso

malamig ka pa sa poso sa labas ng bahay niyo
malamig ka pa sa nitso
malamig ka pa sa tiles na inaapakan ko
malamig ka pa sa ilalim ng unan mo

at higit sa lahat di ako masayang tinatawag kang cool ng maraming tao
dahil iba yung pumapasok sa isip ko

kasi tangina naman
ano ka ba naman
kulang nalang isulat ko sa noo kong mahal kita
pero di mo parin ako nararamdaman

matapos lahat ng ginawa ko
di naman sa nag bibilangan tayo
pero ano ka ba naman?
kulang pa ba?

Di ka na nga nag bayad sinuklian pa kita
Di ka na nga pinagpawisan may ice tea ka pa
Di ka na nga napagod minasahe pa kita
At higit sa lahat
Bago mo pa itanong kung mahal ba kita
Ngayon palang sasagutin ko na,
Oo mahal kita
At masyadong mainit ang mga salitang ito
Para sukuan ko ang lamig ng pagkamanhid mo