Lumabas ka na

Lumabas ka na

 

Dahil hindi ka na bata

Para mag tago sa loob ng aparador

 

Dahil masyado ka ng malaki at mabigat

Para magkasya sa malungkot na mundo

Na itinago sa pinakailalim at tinakpan ng mga panlalaking damit

kahit na alam mo naman na pang nene talaga yung gusto mo

 

Gumising ka na

 

Mula sa bangungot na inaakala mo

Sa bawat gabing sinabi mo na hindi mo dapat siya gusto

Sa dami ng beses na pinilit mong ilabas ng yong bibig ang mga katagang “lalaki ako”

At sa takot na baka kabiguan ang kapalit ng mga salitang “malaya na ko”

 

Pero panahon na

Makakangiti ka na

 

Habang isinusuot ang pulang bistidang paulit ulit mong inirampa

Sa bawat oras na matitiyempuhan mong wala sila

 

Lalo na ang iyong ama

Na walang ginawa kundi ang isako ka

Habang hinahampas ng kahoy na parang pusang walang may kilala

 

Sila na paulit ulit kang kinukutya

Sa lambot ng iyong bewang,

Sa lantik ng iyong mga kamay

Habang itinatanong sa sarili kung mali ka ba talaga

 

Pero hindi ka mali

Maniwala ka

 

Mali ang mundo para itakwil ka

Para pagkatuwaan ka

Para sabihing ang lalake ay para sa babae

At ang babae ay para sa lalake lang

 

Mali sila para ikahon ka

Para sabihing sakit ka

Dahil bakit mo hahanapan ng lunas ang isang bagay

Kung saan ka maligaya at wala ka namang inaapakang iba?

 

Sira ba ang ulo nila?

 

Kaya lumabas ka na

Harapin mo ang mundo sa ibabaw ng mataas mong stiletto

Ako na ang nag sasabi sayo normal ka

 

At pangako nandito ako

Hindi man ganon ka macho para ipagtangol ka

Mula sa isang katerbang luko-luko

at pasensya na pero babae talaga ang gusto ko

pero seryoso walang halong biro

 

Pangako andito lang ako sa likod mo

Para itayo ka sa tuwing idadapa ka ng mapanghusgang mundo

Habang dahandahang ibinubulong sa tenga mo

Na maganda ka at wag kang mag alala

Dahil mas lalaki ka pa sa kanila

si idol

Alam mo noong una palang kitang makita

Hinangaan na kita

Yung ngiti mo na walang sablay

Sa mga taong nakakasabay

Sa kalye

Sa Mall

Sa convenient store

Sa labas ng gasoline station

Pati na rin sa mga gigs na may ibat ibang tugtugan

 

Kasi parang wala kang problema

Hindi bakas sayong muka ang hirap ng mundo

Pasayaw sayaw ka lang na parang hindi napapagod

At kung meron mang bumunggo

Parang wala lang din sayo

 

Kaya minsan ginaya kita

Sa loob ng banyo

O sa salas sa tuwing mag isa lang ako

Pasayaw sayaw na parang may toyo

Habang  naka todo ang volume ng stereo

Sinasabayan ang paiba ibang tono

At nakangiti habang nakapikit na pinapanood

Ang gusto kong makita sa madilim na mundo

 

Yung mundo na walang ako

Puro dumadaan lang na tao

Na may kanya kanyang trabaho

May magaan at mabigat na puso

May mabango at may nakalimot maligo

May mapalad at may kinapos ng piso

May magkasama at may nag sosolo

At mga taong gising pero binabangungot

 

Grabe gusto ko talaga yung mundo mo

Yung tipong nakatingin lang sa malayo

Hindi iniisip kung anong gagawin sa maghapon

Dahil ginawa ka na may isang intensiyon

Ang sumayaw at magpangiti ng mga kagaya ko

 

Minsan parang ang tingin ko sayo eh alam mo na lahat

Na gusto mo sanang sabihin

Pero masyadong malambot ang mga kamay mo para isulat ito sa papel

Gusto mo sanang ibulong pero masyado kang mataas para marinig

Kaya sinasarili mo nalang

Habang ako nanghuhula pa din kung bakit lagi kang nakangiti

At kung paanong paiba iba ang kulay ng yong damit

At kung bakit mahilig ka sa lugar na maraming tao

 

Kaya alam mo hanga talaga ako sayo

Kasi literal na “ang cool cool mo!”

Tapos ang lambot lambot mo pa

At nagagawa mo pa yung gusto mo

 

Kaya kung mabubuhay ulit ko

Gusto kong maging kagaya mo

Pasayaw sayaw lang na parang luko-luko

Walang pakialam tumigil man o bumilis ang ikot ng mundo

 

 

booom booom pow.jpg

Anong meron pagkatapos ng buhay natin sa mundo?

Anong meron pagkatapos ng buhay natin sa mundo?

Magigising kaya tayo sa loob ng kwartong puti kasama ng mga alien?

O sa kwartong itim na puno ng tsokolate?

Magiging hugis bola kaya tayo para mag lakbay sa mundo kasama ng iba pang namayapa?

O magigising tayo sa loob ng ataol habang kinakain ng mga insekto at bulateng kinatatakutan mo?

Makikita kaya natin si Papa J at ang mga nag gagandahang anghel sa langit kagaya ng turo sa simbahan?

Eh papaano naman si Allah magkasama kaya sila?

Eh tayo sinong kasama natin?

Si Hitler o si Gandhi?

Si John Lennon?

Si Bob Marley?

Si Kurt?

Si Dolphy?

“Ay puta kung ako kay Bob Marley ako sasama!”

Si Chitae?

Eh yung namayapa mong aso?

“Shet! Buti nalang buhay pa yung aso ko”

 

Eh pano naman kung yung huling hininga mo pala bago ka mamatay

Eh yung una mong hininga

Sabay sabi ng “hi andito na ko” sa doktor at kamadrona?

Tapos iba na yung nanay mo iba na rin yung tatay mo

At nasa ibang mundo ka na

Ang matinde pa mga mukha kayong dinosaur kasi wala kayo sa earth

“tangina pangit ka na nga mas papangit ka pa don”

Ang masama pa baka mabubuhay ka pala sa ibat ibang oras at pag kakataon kada mamamatay ka

“malas mo nalang pag nabuhay ka sa panahon ng hapon malamang sa malamang gahasa aabutin mo”

 

Paano naman kung pag namatay ka “wala na”

As in wala na talaga

Parang bote ng alak pag naubos uwian na

Tulugan na

Wala ka ng isip o maiisip pa

Di mo na alam kung may makaka alala sayo

O mag aalay ng bulaklak sa puntod mo

Di mo malalaman kung yung asawa palang minahal mo

Eh may kabit pala at inaantay lang talagang mamatay para mapakasalan niya  yung pangalawa

Tangina saklap!

Hanggang sa huling pag kakataon wala kang alam!

Parang ang sarap maging multo non tapos mumultohin mo yung mga pukinginang nang gago sa buhay

Mo para kahit papano makabawi ka man lang diba?

 

Pero parang grabe din naman ang buhay!

Kakain ka pa tapos magugutom ka din naman

Maliligo ka pa tapos babaho ka din naman

Iinom ka pa tapos iihi ka din naman

Gigising ka pa tapos tutulog ka din naman

Parang paulit ulit lang!

 

Pero buti nalang

Nararanasan natin to kesa naman hindi tayo nag exist diba?

Parang bato lang pakiramdam non siguro

Wala kang alam kung ibinabato ka sa ilog para patalunin

O inihahagis sa pinag lalaruang tae ng kalabaw

 

Kaya kung papipiliin siguro ako kung “buhay o patay”

Mas pipiliin ko pa rin mabuhay

Kahit mahirap

Kahit masakit kung minsan

Ang mahalaga naramdaman mo

Kasi nabuhay ka

 

Ang mali kasi satin minsan

Akala natin mas berde yung halaman sa kabilang bakod

Kasi di natin nakikita

Pero ang totoo di naman mahalaga kung may damo man don o wala

Kasi pwede ka namang mag tanim ng bulaklak diba?

Mas maganda pa yon kesa puro damo lang

 

Kaya siguro hindi rin ganon kahalaga kung masagot man natin yung tanong na “anong mangyayari pag

katapos ng buhay natin sa mundo”

Mas mahalaga siguro kung mabuhay ka nalang

Maging maligaya at magpakasaya

Malungkot at magpakatanga

Magalit at mag patawad

Mag mahal at mag mura

Hanggang sa may pumigil sayo at sabihing “tama na kukunin na kita”

 

alien

Naniniwala ka ba sa alien?

Paano kung pinag eexperimentuhan ka pala nila ngayon?

Na maraming mundo tapos isang totoong tao lang talaga yung nakatira doon

At lahat ng bagay at tao eh likha lang ng iyong imahinasyon

Na pag wala ka sa isang lugar tumitigil lahat ng bagay

Tapos yung mga napapanood mo sa tv at naririnig sa radio

Eh matagal na talagang naka program para malayo ka sa katotohanan

Na nag iisa ka lang talaga

 

Yung girlfriend mo

Yung nanay mo

Pati yung aso mo

Lahat peke

Walang totoo

Pano kaya kung ganon

Tapos pag namatay ka magigising ka sa loob ng puting kwarto

Pero wala ka sa langit o sa impyerno

Bata ka ulit pero lahat ng natutunan mo sa nakaraan mong buhay

Eh tanda mo lahat

Kumbaga nilagay ka nila sa pekeng mundo para maging handa

At mas maging kapakipakinabang para sa totoong buhay

 

Paano kung ganon nga?

Abah tangina dehado siguro kung wala akong natutunan bago mamaalam

Siguro itatapon nalang nila ko o papatayin na ng totoo

Kasi hanggang ngayon wala pa rin akong alam gawin

Kundi ang mag bilang ng poste at tumitig sa salamin

 

Pero paano kung ako pala yung alien?

Tapos binabasa mo to ngayon kasi gusto kong malaman mo yung totoo

Para pag namatay ka dito sa pekeng  mundo at napunta sa puting kwarto

Hindi ka namin papatayin kasi ngayon palang babawasan mo na yung katamaran mo

Napapaisip ka na siguro

Kaya aamin na ko

Hindi ako yung alien

Pero hindi mo naman malalaman kung nag sisinungaling lang ako

“02uodjalskdj092udiaposdj 209”

Teka teka tinatawag na pala nila ko

totoong gwapo

Wala naman talagang taong pangit
Nagkataon lang talaga na hindi uso sa planetang to
At sa oras na to ang mga mukha natin
O yung timbang ko na parang liliparin ng hangin
O yung sayo na kukulangin ang tatlong cup ng kanin sa tuwing tayo’y kakain
Yung tipong pag dumayo ka sa Mang Inasal
Nag mamadali sila sa pag sasaing
Dahil alam nila na may posibilidad na baka sila’y kulangin
 
Pero wala talagang taong pangit
Nagkataon lang ang lahat
Hindi tayo minalas pero sinuwerte lang talaga sila
Sila Brad Pitt, James Franco,
Sam Milby, Piola Pascual ay Piolo pala!
Si Coco Martin, Alden Richards
At ang alamat ng mga alamat
Si master Vic Sotto!
 
Pero isipin mo nalang
Buti nalang hindi tayo yung sinuwerte
Kasi hindi naman tayo maalam umarte
 
O diba may plano talaga ang Diyos para sa atin
Hindi nga lang yon ang maging masuwerte kagaya ng gusto natin
Dahil malamang tulog tayo sa pansitan nung nag papaulan siya ng kagwapuhan(kasuwertehan)
Kaya “mabuting puso” nalang ang ating inabutan
 
Pero okay lang yan
Maraming advantage ang ganitong itsura
Sa suntukan lamang na lamang na agad tayo
Kasi magulpi man hindi tayo yung mukhang natalo
 
Hindi tayo mapagkakamalang bakla kung masyado tayong maputi
Kasi pati yung mukha natin maskulado
 
Pag sinabihan tayong gwapo
Naniniwala agad tayo kasi minsan lang sa buhay natin ang masabihan nito
 
At ang pinaka matindi sa lahat
Tayo ang dahilan kung bakit may pogi sa mundo
 
Napakalaking responsibilidad kung tutuusin
Pero buti nalang naibigay sa atin
Dahil baka hindi nila kayanin
kasi ang alam lang naman nila
Eh manloko at magparamihan ng nadaling babae
 
Isang araw may nagsabi sa akin
Humanap ka ng pangit at ibigin mong tunay
Gusto ko sanang sabihin sa kanya na magkaiba kami ng depinisyon ng pangit
Kasi yung pangit na sinasabi niya
Eh yung nakikita lang ng mata
Samantalang parang mas pangit pa para sa akin yung mga taong kagaya niya
Na mapang husga
At walang naiambag sa mundo kundi ang sinasabi niyang kagwapuhan
Pero pinabayaan ko nalang
Mahirap kasing makipag talo sa taong sarado ang isipan
 
Buti nalang sa sinabi niya may natutunan ako
Meron pala talagang taong pangit
Pero hindi yon dapat base sa itsura o pananamit
Sa laki ng tiyan o sa mapapayat na bisig
Sa konti ng makakain na parang mumo nalang sa sahig
Kundi sa kung anong lumalabas sa kanyang bibig
At sa dumi ng kanyang pag-iisip
 
Kaya siguro meron ngang taong pangit
 
Pero hindi tayo yon
At lalong hindi ako yon
Dahil sabi nga ng nanay natin gwapo daw tayo
At hanggang sa naniniwala tayo don
Paulit ulit man nilang sabihing
“ang pangit pangit mo”
Wala pa ring makakatalo sa kagaya nating may mabubuting puso
Ang mga totoong gwapo na kakaunti nalang ang natitira sa mundo.